Monday, May 28, 2018

Nang Magsulat ang Isang Batang Mag-aaral sa Kanyang Guro


Hindi na po ako papasok sa paaralan. Kasi po parang dadami pa ang di ko kayang gawin at maibibigay kung magpapatuloy pa ako sa pag-aaral. Mam, ibinigay ko po kay Tatay ang listahan ng mga dapat kong dalhin sa paaralan na ibinigay ninyo noong unang araw ng pasukan.

ATTENTION TEACHERS!
REPOST: 


Dear Mam,


Hindi na po ako papasok sa paaralan. Kasi po parang dadami pa ang di ko kayang gawin at maibibigay kung magpapatuloy pa ako sa pag-aaral. Mam, ibinigay ko po kay Tatay ang listahan ng mga dapat kong dalhin sa paaralan na ibinigay ninyo noong unang araw ng pasukan.

3 short at long enbelop na brown
3 short at long enbelop na plastic
3 short at long ng folder
5 manila paper
5 kartolina (iba-iba ang kulay)
Yellow Pad Paper
Art paper
Elmer’s Glue
Plastic cover
20 pirasong bond paper
20 pirasong bond paper
1 gunting
1 ruler
Alam ninyo Mam, yung ibang nakalista, di ko alam kung ano. Kasi po, kahit ako di pa nakakakita nun tulad ng art paper.

Nakita ko ang lungkot sa mata ni Tatay nang makita niya ang listahan ng mga dapat dalhin. Umiling-iling siya. Sabi niya, “kailangan na ba ito talaga?” Nadala ko naman po lahat pero kulang ang bilang, yung tatlo dapat naging 2 at yung 5 naging 3 lang. Pasensiya na po kayo Mam, iyon lang talaga ang kaya ng Tatay ko. Yung ulam namin ng tatlong araw, ipinangbili po ng Tatay ko ng mga ipinadadala ninyo.

Marami rin kayong ipinapagawa sa klase na di ko kaya. Magpapasulat lang po kayong maghapon sa aming notbuk. Alam po ninyo, nanghihinayang ako sa papel dahil kapag naubos po ang notbuk ko, mamumublema na naman ang Tatay ko. Yung nasa libro ninyo, ipasusulat ninyo sa kaklase ko sa pisara. Tapos kokopyahin naming lahat. Ewan ko ba Mam, bakit kapag natapos ang pinakokopya ninyo, nagri-ring na rin ang bell. Pati yata yung bell kakampi ninyo. Kaya po ang sakit-sakit ng mga kamay ko!

Gusto ko po sanang magdrowing ng mga nadadaanan ko sa paglalakad papasok sa paaralan. Gusto kong idrowing ang paruparong violet na nakita ko, ang puting-puting kampupot, ang batis na kay lamig sa paa, ang papasikat na araw kapag paparating na ako sa paaralan. Gusto ko sanang ikuwento sa inyo ito at sa aking mga kaklase. Mam, marami po akong kuwento. Alam po ba ninyong malayong-malayo ang nilalakad ko araw-araw papasok sa paaralan?

Tapos heto pa ang pinagawa ninyo noong Lunes: Lucy has two apples. Julie has five apples. How many more apples does Julie have than Lucy?

Malamig na malamig po ang naging pawis ko nang ibigay ninyo ang solving problem ito. Wala po akong naisulat na sagot. Ano po ba ito? Ipinaliwanag naman po ninyo ito sa Filipino. Pero kasi ang alam ko, sabi ng Tatay ko, kapag marami ang sa iyo, magbigay ka sa ibang tao. Masama ang marami. Tuwing Pasko lang po may nakakarating na apple sa aming mesa.

Gustong-gusto rin po ninyong magpa-contest. Ewan ko po ba, baka talagang sinasadya ninyo ito kasi alam ninyong talo ako. Unahang sa pagsagot sa pisara sa addition at subtraction. Iniisip ko pa lang po ang darating pang multiplication, nahihiya na ako sa sarili ko.

Puwede po bang bilangin ko na lang ang hakbang na ginagawa ko mula sa aming bahay hanggang sa paaralan? Puwede po bang bilangan na lang ng pilapil na tinataniman ng Tatay ko at kung ilang sako ng palay ang kaniyang inaani? Kung ilang sako ng palay ang ibinibigay sa amin ng may-ari ng lupa pagkatapos ng anihan?

Sana po ang paaralan ay parang bahay. Ang mga dapat pag-aralan ay di na isinulat o kinakabisa. Sana walang listahan ng mga dapat dalin. Walang mga problemang kailangang i-solve.

Sorry po Mam kung di na po ako papasok. Ako po yung nasa likod na malapit sa inyong mesa. Sana po ay natatandaan ninyo ako. Sa ilang araw po kasing pagpasok ko sa klasrum natin, di ninyo ako nalapitan. Para lang kasi akong hangin sa inyo. Tutulungan ko na lang po ang Tatay ko sa pagtatanim. Alam po ninyo, ang dami kong natutuhan sa Tatay ko. Ang inyong mag-aaral,

Lito
An eye opener to all teachers!
Orihinal na panulat ni Gurong. Genaro R. Gojo Cruz
Photo is just an example.

No comments:

Post a Comment